PINAGPAPALIWANAG ng Toll Regulatory Board (TRB) ang NLEX Corporation sa matinding pagbaha sa Tulaoc Bridge, San Simon, Pampanga na nagdulot ng halos 24-oras na pagkaka-stranded ng mga motorista.
Sa kautusan ng TRB noong Agosto 31, binigyan ang NLEX ng tatlong araw para isumite ang detalyadong paliwanag sa nangyari at ilahad ang mga konkretong hakbang para hindi na maulit ang pagbaha sa San Simon at Tulaoc.
Matinding pag-ulan mula sa habagat ang dahilan ng pag-apaw ng tubig sa bahagi ng expressway nitong weekend, na nagresulta sa mahahabang pila at pagkakaipit ng maraming sasakyan.
Bukod sa paliwanag, pinagsusuri rin ng TRB ang posibleng pagsasauli ng toll fee sa mga Class 1 vehicle na napilitang mag-U-turn dahil sa baha.
Inatasan din ang NLEX na magbigay ng babala sa mga motorista tatlong oras bago ang inaasahang malakas na ulan gamit ang Variable Message Signs (VMS), portable VMS at iba pang communication platforms.
Kapag umabot sa kritikal na antas ang tubig, dapat ipaalam agad sa publiko na maaaring isara sa trapiko ang San Simon–Pulilan Segment ng NLEX.
Mahigpit ding ipinag-utos ng TRB ang koordinasyon ng NLEX sa Department of Transportation (DOTr) at TRB para sa mabilis na pagtugon sa pagbaha at iba pang emergency.
Samantala, humingi na ng paumanhin ang Metro Pacific Tollways Corporation (MPTC), operator ng NLEX, sa mga motorista dahil sa matinding abalang idinulot ng insidente.
Nangako rin ang kumpanya na maglalagay ng concrete barriers sa mga apektadong lugar bilang dagdag na hakbang laban sa muling pag-apaw ng tubig.
