SAN MARCELINO, ZAMBALES — Personal na nagtungo si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa isang liblib na barangay dito nitong Miyerkules upang kumustahin ang mga residenteng matagal na naapektuhan matapos wasakin ng rumaragasang tubig ang kanilang tulay.
Sa kanyang pagbisita ng Pangulo ang Barangay Sta. Fe, kung saan kabilang sa mga naapektuhan ang komunidad ng mga Aeta.
Matatandaang noong Agosto 9, tinangay ng malakas na agos ng ilog ang tulay na nagsisilbing pangunahing daanan ng mga residente patungo sa bayan.
Dahil dito, naputol ang access ng hilagang bahagi ng barangay, dahilan upang humarap sa hirap ang tinatayang 800 residente sa pagkuha ng pagkain, gamot at iba pang pangunahing pangangailangan.
Bilang agarang solusyon, natapos na ang isang pansamantalang tulay na kahoy na magbibigay-daan upang muling makatawid ang mga residente at mapadali ang paghahatid ng mga suplay habang hinihintay ang pagtatayo ng permanenteng tulay.
Sa kanyang pag-iikot, sinuri rin ni Marcos ang iba pang pasilidad na napinsala, kabilang ang dike, paaralan at multi-purpose hall na naapektuhan ng pagguho at pag-ipon ng lupa.
Nakipag-usap din ang Pangulo sa mga residenteng direktang tinamaan ng insidente at tiniyak ang tuloy-tuloy na suporta ng pamahalaan.
Bawat apektadong residente ay tumanggap ng ₱10,000 financial assistance, bukod pa sa mga food pack na ipinamahagi.
Kasama ni Marcos sa pagbisita sina DSWD Secretary Rex Gatchalian, DPWH Secretary Vince Dizon, Zambales Governor Jun Ebdane, Deputy Speaker at Zambales 1st District Rep. Jay Khonghun, at San Marcelino Mayor Elvis Soria.
Patuloy namang pinag-aaralan ng mga awtoridad ang pagtatayo ng permanenteng tulay upang tuluyang maibalik ang ligtas at maaasahang koneksyon ng komunidad sa bayan.
