In photo : Si alyas “Ace”, ang biktimang nakaranas ng pagmamalupit mula kay PSMS Don Carlos Almonidovar, ng humarap kay Napolcom Commissioner Atty. Ralph Calinisan upang ipagharap ng reklamo ang nasabing pulis
ISINAILALIM sa masusing imbestigasyon ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang reklamo ng isang 20-anyos na college student laban sa isang pulis na umano’y nanakit, naghamak at nagbanta sa kanyang buhay sa Cavite.
Inatasan nitong Miyerkules ng NAPOLCOM ang Inspection, Monitoring and Investigation Service (IMIS) na busisiin ang reklamo laban kay Police Senior Master Sergeant (PSMS) Don Carlos Almonidovar ng General Trias Component City Police Station.
Ayon sa estudyanteng itinago sa alyas na “Ace,” naganap ang insidente dakong alas-11:30 ng gabi noong Agosto 27 sa Governor’s Drive, Barangay San Agustin, Trece Martires City.
Sinabi ni Ace na matapos siyang mag-U-turn sa harapan ng sasakyan ng pulis, umano’y sinagi o binangga ng sasakyan ni Almonidovar ang kanilang motorsiklo.
Dito umano nagsimula ang komprontasyon kung saan sinabi ng estudyante na siya ay sinaktan, hinampas ng baril, minura at pinagbantaan umano ng pulis na papatayin.
Kasama ni Ace ang 19-anyos na si alias “Andrie” nang dalhin umano sila sa himpilan ng pulisya. Doon, sinubukan umanong pagkasunduin ang magkabilang panig.
Samantala, iniulat na nagpositibo sa alcohol breath test si Almonidovar matapos ang insidente.
Ayon kay NAPOLCOM Commissioner Atty. Ralph Calinisan, maaaring maharap ang pulis sa mga kasong administratibo gaya ng grave misconduct at conduct unbecoming of a police officer kung mapatutunayang may basehan ang mga alegasyon.
Posible rin umano ang pagkakatanggal sa serbisyo depende sa resulta ng imbestigasyon at sa mapatutunayang paglabag.
Iginiit ni Calinisan na hindi dapat ginagamit ng sinumang pulis ang kapangyarihan nito para manakot o manakit ng ordinaryong mamamayan.
Samantala, ipinatawag ni Calinisan si Almonidovar sa NAPOLCOM alas-8:30 ng umaga ngayong Huwebes, Setyembre 3, kasama ang police investigator na humahawak sa kaso.
Layunin ng pagdinig na marinig ang panig ng pulis at iba pang sangkot habang nagpapatuloy ang fact-finding investigation ng komisyon.
