MULING sumadsad ang piso laban sa US dollar nitong Miyerkules, Setyembre 2, matapos magtala ng panibagong record-low closing rate na ₱62.565 kada dolyar.
Bago tuluyang magsara sa naturang antas, bumulusok pa ang piso sa ₱62.69 kada dolyar sa intraday trading—pinakamababang antas na naitala nito.
Ito na ang ikalawang sunod na araw na nagrehistro ng record-low close ang piso. Noong Martes, nagsara ito sa ₱62.40 kada US dollar.
Patuloy na minomonitor ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang galaw ng foreign exchange market matapos unang lumampas sa ₱62 kada dolyar ang piso noong Agosto 28.
Ang patuloy na paghina ng piso ay posibleng magdulot ng mas mahal na imported goods, kabilang ang langis at iba pang pangunahing produkto, na maaaring magdagdag sa inflationary pressures.
Sa kabilang banda, maaaring pansamantalang makinabang ang mga pamilyang umaasa sa remittances ng overseas Filipino workers (OFWs), dahil mas maraming piso ang matatanggap kapalit ng bawat dolyar na ipinapadala.
Gayunman, maaaring mabawasan ang benepisyong ito kapag patuloy na tumataas ang presyo ng mga bilihin, na kumakain sa purchasing power ng perang ipinapadala ng mga OFW.
Patuloy namang binabantayan ng merkado ang susunod na galaw ng piso habang nananatiling mataas ang pressure sa local currency
