TARLAC — Walong hinihinalang kawatan ang nasakote ng pulisya matapos maalarma ang isang pawnshop sa Santa Ignacia at agad na mai-report sa Unified 911 noong Setyembre 4.
Bandang alas-10:30 ng umaga nang tumugon ang mga pulis matapos tumunog ang alarm ng establisyimento. Pagdating sa lugar, nakita ang mga bakas ng sapilitang pagpasok at napag-alamang drainage system umano ang ginamit ng mga suspek para makapasok.
Limang suspek ang nahuli habang tinatangkang tumakas sa parehong lagusan. Tatlo pa nilang umano’y kasamahan ang nadakip sa isang Isuzu Elf truck sa kalapit na barangay.
Narekober sa operasyon ang isang improvised pistol, tatlong hand grenade, isang rifle grenade, walong sachet ng hinihinalang shabu, mga gamit sa pagnanakaw at ang sasakyang sinasabing ginamit ng grupo.
Ayon kay PNP chief Police General Jose Melencio C. Nartatez Jr., ipinakita ng insidente kung gaano kahalaga ang mabilis na pagtawag at pagresponde sa pamamagitan ng Unified 911.
Hinimok ng PNP ang publiko na agad i-report sa 911 ang mga emergency at kahina-hinalang aktibidad upang mabilis na maaksyunan ng mga awtoridad.
