Sa larawan : Nagbayanihan na ang mga residente at mga kawani ng iba’t ibang ahensya ng Zambales provincial government at Botolan LGU sa paghahatid ng ayuda sa komunidad ng mga katutubong Aeta sa lugar.
BINGYAN ng mga relief goods ang nasa 11 komunidad ng mga Aeta sa liblib na silangang bahagi ng Botolan, Zambales nitong Linggo, Setyembre 6, habang patuloy na nagsasagawa ng relief operations ang pamahalaang panlalawigan sa mga lugar na naapektuhan ng tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng habagat.
Ayon kay Gov. Hermogenes Ebdane Jr., nasa 2,519 pamilya mula sa 11 “Baytan” o silangang barangay ng Botolan ang nabigyan ng kabuuang 4,564 family food packs sa isinagawang magkasanib na relief operation ng provincial government at Botolan municipal government.
Isinakay sa Philippine Air Force (PAF) helicopters ang mga food packs para sa siyam na komunidad, habang ang ayuda para sa dalawang iba pang komunidad ng Aeta ay isinakay gamit ang mga karitong hinihila ng kalabaw.
Isinagawa ang operasyon ng Provincial government upang matugunan ang agarang pangangailangan ng mga komunidad ng Aeta na karamihan ay umaasa sa pagsasaka bilang kabuhayan.
Hindi umano nila maihatid ang kanilang mga ani sa mga pamilihan sa mababang lugar dahil sa masamang panahon.
Kabilang sa mga liblib na barangay ang Villar, Moraza, Belbel, Burgos, Nacolcol, Palis, Maguisguis, Cabatuan, Owaog Nebloc, Malomboy at Poonbato, na nasa 25 hanggang 30 kilometro ang layo mula sa sentro ng bayan.
Katuwang ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) at Botolan Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office sina Maj. Michael Vincent Perandos, acting deputy group commander ng Philippine Air Force (PAF) at Lt. Col. Mark Anthony Ruelos, commander ng Philippine Army 69th Infantry Battalion sa Zambales sa naturang relief operations.
Nabatid na umabot nang mahigit pitong oras ang isinagawang relief operation nitong Linggo dahil sa hirap ng mga kalsada at ilog na dinaanan para marating ang lugar.
“Mahirap ang pagpasok sa mga upland barangay dahil sa patuloy na malalakas na pag-ulan na nagpataas at nagpa lakas naman sa agos ng Bucao River at dalawang tributary nito na nagmumula sa Mount Pinatubo” ani Ebdane.
Sa tala ng PDRRMO, kabilang sa mga benepisyaryo ang 250 pamilya sa Villar, 158 sa Moraza, 150 sa Belbel, 280 sa Burgos, 300 sa Maguisguis, 308 sa Poonbato, 356 sa Cabatuan, 200 sa Palis, 280 sa Nacolcol, 197 sa Owaog Nebloc at 40 sa Malomboy.
