IGINIIT ng mga kritiko ni Vice President Sara Duterte na nararapat nitong harapin ang impeachment case sa halip na magsampa ng mga reklamo laban sa mga miyembro ng House Committee on Justice at iba pang kritiko.
Ito ang naging pahayag ni Akbayan Party-list Rep. Perci Cendaña kasunod ng pagbasura ng Quezon City Prosecutor sa mga reklamong inihain ni Mans Carpio laban sa ilang miyembro ng House Committee on Justice.
Ayon pa kay Cendaña , mula pa umano sa simula ay nanindigan ang kanilang panig na walang sapat na basehan ang kasong isinampa ni Carpio laban sa mga mambabatas.
Iginiit din na bahagi ng constitutional duty ng House Committee on Justice ang masusing pagsusuri sa mga ebidensiya upang matiyak na matibay ang kasong ihaharap kaugnay sa impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Sa halip na magsampa umano ng mga reklamo laban sa mga miyembro ng komite at mga kritiko, hinamon ng grupo si Duterte na harapin ang impeachment proceedings at sagutin ang mga isyung ibinabato laban sa kanya.
Partikular na binanggit sa pahayag ang umano’y bilyun-bilyong pisong bank transactions at sinasabing tagong yaman na iniuugnay sa mga alegasyong naging bahagi ng impeachment case.
“Doon siya sa Impeachment Court magpaliwanag,” ayon sa kanyang pahayag.
REKLAMO LABAN SA MAMBABATAS, PANGGIGIPIT LAMANG
Malugod naman na tinanggap ni Mamamayang Liberal Party-list Rep. Leila de Lima ang pagbasura sa reklamong inihain laban sa mga miyembro ng House Committee on Justice, na aniya’y isang hakbang laban sa tangkang pananakot at panggigipit sa mga mambabatas.
Ayon kay De Lima, ang kaso ay walang ibang layunin kundi intimidahin ang mga lawmakers na ginagampanan lamang ang kanilang tungkulin sa ilalim ng Konstitusyon.
“Ito ay isang welcome development, lalo na’t isa lamang itong harassment suit na naglalayong takutin ang mga mambabatas na gumaganap lamang ng kanilang tungkulin,” pahayag ni De Lima.
Binigyang-diin ng mambabatas na hindi sila uurong sa pagsusulong ng transparency at accountability, sa kabila ng mga reklamong maaaring iharap laban sa kanila.
Sinabi rin ni De Lima na patuloy nilang haharapin ang sinumang nasa likod ng umano’y paniniil at pang-aabuso upang maitaguyod ang katotohanan, hustisya at pananagutan.
“Tulad noon, haharapin natin ang mga nasa likod ng anumang paniniil at pang-aabuso, para sa katotohanan, hustisya at pananagutan,” ani De Lima.
Samantala, nananatiling nakatuon ang mga mambabatas sa kanilang tungkulin sa pagsusuri sa mga usaping may kinalaman sa impeachment proceedings at pananagutan ng mga opisyal ng pamahalaan.
