IBINASURA ng Quezon City Prosecutor’s Office ang reklamong isinampa ni Atty. Manases Carpio laban sa ilang opisyal ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) at mga mambabatas kaugnay ng umano’y ilegal na pagsisiwalat ng financial records nila ni Vice President Sara Duterte.
Batay sa September 7, 2026 resolution ng QC Prosecutor’s Office, inirekomenda ang dismissal ng reklamo.
Gayunman, sinabi ni Atty. Peter Paul Danao, abogado ni Carpio, na hinihintay pa nila ang opisyal na kopya ng resolusyon bago magpasya kung ano ang susunod nilang hakbang.
Ayon kay Danao, maingat nilang rerepasuhin ang naging desisyon at hindi isinasantabi ni Carpio ang paggamit ng iba pang legal na remedyo upang kuwestiyunin ito.
Una nang nagsampa ng criminal complaints si Carpio laban sa mga opisyal ng AMLC at ilang mambabatas matapos ilahad sa pagdinig ng House Committee on Justice noong Abril 22 ang mga ulat ng AMLC tungkol sa kanyang mga transaksyon mula 2006 hanggang 2025.
Uminit ang isyu kasabay ng pagpapatuloy ng impeachment proceedings laban kay Duterte, kung saan sinusuri rin ang mga financial records ng bise presidente kaugnay ng mga alegasyon hinggil sa hindi maipaliwanag na yaman.
Nauna nang natanggap ng impeachment court ang mga subpoenaed bank at tax records ng mag-asawa bilang bahagi ng paglilitis.
Gayunman, iginiit ni Danao na hindi nangangahulugang natalo sa merito ng reklamo si Carpio dahil hurisdiksyon umano ang naging basehan ng pagbasura.
Dahil dito, posible umanong dalhin ni Carpio ang usapin sa ibang forum, kabilang ang Office of the Ombudsman, na ayon sa kanyang abogado ay maaaring may hurisdiksyon sa mga respondent dahil isinagawa ang mga kinukuwestiyong aksyon bilang mga opisyal ng gobyerno.
Kabilang sa mga pinag-aaralang hakbang ni Carpio ang muling pagsasampa ng reklamo sa Ombudsman habang hinihintay ang opisyal na resolusyon ng QC Prosecutor’s Office.
