INILAGAY sa infirmary ng New Quezon City Jail Male Dormitory sa Payatas si dating House Speaker Martin Romualdez matapos ideklarang “fit to be confined” ng mga doktor ng Philippine General Hospital (PGH), ngunit kailangan pa rin siyang sumailalim sa patuloy na medical supervision.
Ayon kay Interior Secretary Jonvic Remulla nitong Martes, nakatalaga si Romualdez sa isang humigit-kumulang 50-square-meter na silid kasama ang tatlong iba pang persons deprived of liberty (PDLs).
Nilagyan umano ang silid ng hospital beds, common bathroom at malaking exhaust fan, ngunit walang air-conditioning unit.
Sinabi ni Remulla na batay sa medical assessment ng PGH, maaari nang manatili si Romualdez sa naturang detention facility. Gayunman, kailangan siyang bantayan dahil sa kanyang kondisyon at mga itinakdang medical requirements.
Kabilang sa rekomendasyon ng mga doktor ang hindi bababa sa 30 minutong ehersisyo araw-araw, na maaari niyang gawin sa loob ng compound ng kulungan.
Inatasan din si Romualdez na sumailalim sa regular na electrocardiogram (ECG) isang beses kada linggo at gumamit ng continuous positive airway pressure (CPAP) machine.
Gayunman, sinabi ni Remulla na hindi pumayag si Romualdez na gamitin ang CPAP machine.
Hindi naman ibinunyag ni Remulla ang pagkakakilanlan ng tatlong PDL na kasama ng dating Speaker sa infirmary, alinsunod umano sa jail protocol.
Maaari ring makasalamuha ni Romualdez ang iba pang high-profile PDL na nakakulong sa naturang pasilidad, kabilang sina Sen. Rodante Marcoleta, dating Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor, at dating Department of Public Works and Highways (DPWH) officials Brice Hernandez at Jaypee Mendoza.
Ayon kay Remulla, nasa pagpapasya ni Romualdez kung makikipag-ugnayan siya sa iba pang mga detainee.
Samantala, pinapayagan ang dating Speaker na tumanggap ng mga bisita mula alas-1 hanggang alas-5 ng hapon tuwing weekdays, maliban sa Lunes. Sa ngayon, mga doktor pa lamang umano niya ang dumadalaw sa kanya.
Hindi pa rin personal na nakakausap ni Remulla si Romualdez mula nang dalhin ito sa kulungan.
Inilipat si Romualdez sa New Quezon City Jail noong Lunes ng gabi matapos maglabas ng kautusan ang Sandiganbayan Third Division.
Pagdating sa jail facility, isinailalim siya sa booking procedures, kabilang ang fingerprinting at pagkuha ng mugshots, ayon kay Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson Jail Superintendent Jayrex Bustinera.
Sinabi ni Bustinera na wala pang naitatalang insidente o negatibong ulat kaugnay ng pagkakakulong ni Romualdez.
Samantala, sinabi ni Remulla na ang mga doktor pa rin ni Romualdez ang magpapasya kung hanggang kailan siya mananatili sa infirmary.
Dahil dito, wala pang itinakdang petsa kung kailan siya ililipat mula sa infirmary patungo sa regular na detention area ng New Quezon City Jail.
