ISANG pulis ang tinamaan ng bala matapos paputukan ng hindi pa nakikilalang mga armadong lalaki ang isang security checkpoint sa Barangay Kadingilan, Nabalawag, Special Geographic Area (SGA) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), nitong Miyerkules.
Kinilala ni Capt. Steffi Salanguit, tagapagsalita ng Police Regional Office Bangsamoro Autonomous Region (PROBAR), ang biktima na si Pat. Alfadz Umal ng Regional Mobile Force Battalion 14-A.
Ayon sa 33rd Infantry Battalion (33IB), nagsimula ang tensyon madaling-araw sa Barangay Olandang matapos ang palitan ng putok sa pagitan ng mga armadong grupo na sinasabing may kaugnayan sa 118th Base Command at mga miyembro ng 105th Base Command ng Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Nagpakilos agad ng mga tauhan ang 33IB ng Philippine Army upang mamagitan at mapigilan ang paglala ng kaguluhan sa lugar.
Nakipag-ugnayan naman si Lt. Col. Germen Legada, commander ng 33IB, sa MILF Coordinating Committee on the Cessation of Hostilities (CCCH) representatives na sina Ansari Manan at Abusaima upang hilingin ang agarang pagpapatigil ng labanan.
Bilang bahagi ng blocking at security operations, naglagay ang pulisya ng checkpoint sa harap ng Kadingilan Barangay Hall upang maprotektahan ang mga residente, motorista at mga pamilyang lumikas sa lugar.
Bandang alas-11:56 ng umaga, biglang umalingawngaw ang sunod-sunod na putok mula sa hindi pa matukoy na kalibre ng matataas na uri ng armas habang nagbabantay ang mga pulis sa checkpoint.
Tinamaan sa kanang hita si Umal.
Gumanti ng putok ang mga pulis sa direksiyon ng pinagmulan ng mga bala bago umatras patungo sa municipal police station nang pansamantalang tumigil ang bakbakan.
Agad namang isinugod si Umal sa isang ospital sa Midsayap, North Cotabato para sa kinakailangang lunas.
Patuloy ang police at military security operations sa lugar habang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang mga responsable sa pamamaril.
Samantala, sinabi ni Kadingilan Punong Barangay Saiden A. Alim na nasa 800 pamilya na ang lumikas sa kanilang mga tahanan dahil sa pangambang maipit sa nagpapatuloy na sagupaan.
