HINAMON ni Interior Secretary Jonvic Remulla si dating House Speaker Lord Allan Velasco at ang kanyang asawa na bumalik sa Pilipinas at sumailalim sa lie detector test kaugnay ng mga alegasyong nag-uugnay sa kanila sa umano’y paghahatid ng pera sa pamilya Duterte.
“Hindi admissible sa korte ang lie detector test. Pero hinihiling ko sa mag-asawang Velasco na umuwi sila at sumailalim sa parehong test. Tingnan natin kung sino ang nagsasabi ng totoo,” pahayag ni Remulla.
Ayon pa sa kalihim, nasa Niseko, Japan, ang mag-asawang Velasco at mayroon umanong bahay doon.
“May bahay sila roon, sa pinaka-eksklusibong vacation spot sa buong Japan. Mahal doon sa Niseko, mayayamang tao lamang ang pumupunta roon,” dagdag niya.
Sinabi naman ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na kinumpirma ng Bureau of Immigration na umalis si Velasco patungong Nagoya, Japan, noong Agosto 30.
“Latest is Niseko,” sagot ni Remulla nang tanungin tungkol sa kasalukuyang kinaroroonan ni Velasco.
Samantala, sumailalim noong Miyerkules sa lie detector test sa NBI si dating police officer Rodulfo Gracioso Jr. kaugnay ng kanyang affidavit na nagsasabing naghatid siya ng mga maletang naglalaman umano ng pera sa ilang miyembro ng pamilya Duterte.
Ayon kay Gracioso, ilang beses siyang naghahatid ng pera simula 2018 kina Vice President Sara Duterte, dating Pangulong Rodrigo Duterte at Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte, na umano’y ipinag-utos ni Velasco.
Itinanggi naman ni Velasco, sa pamamagitan ng kanyang tagapagsalita, ang alegasyon at tinawag na gawa-gawa ang pahayag ni Gracioso tungkol sa umano’y paghahatid ng pera.
Nauna nang kinumpirma ng Philippine National Police na natanggal sa serbisyo si Gracioso epektibo noong Setyembre 11 dahil sa isang administrative case.
“May bahid ang nakaraan ni Gracioso. Kaya siya natanggal. Pero kahit ang sirang orasan ay dalawang beses pa ring tama sa isang araw,” pahayag ni Remulla.
Sinabi ni Remulla na lumabas sa polygraph examination na nagsasabi ng katotohanan si Gracioso nang tanungin tungkol sa paghahatid niya ng mga bag na naglalaman umano ng pera.
Gayunman, iginiit ni Remulla na hindi maaaring gamitin bilang ebidensiya sa korte ang resulta ng polygraph test.
“Pero hinihamon ko pa rin ang mag-asawang Velasco na pumunta rito at sumailalim sa parehong polygraph test para makita natin kung sino talaga ang nagsasabi ng totoo,” pagtatapos ni Remulla.
