OPISYAL nang nagtapos ang panahon ng Southwest Monsoon o Habagat sa bansa, kasabay ng pagtatapos ng rainy season sa mga kanlurang bahagi ng Luzon at Visayas, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Lunes.
Ayon sa PAGASA, batay sa mga weather forecast, magpapatuloy sa mga susunod na araw ang mga pagbabagong naobserbahan sa weather pattern sa bansa kaya idineklara na nito ang opisyal na pagtatapos ng Habagat season.
Kabilang sa mga pagbabagong ito ang pagpapalakas ng high-pressure system sa East Asia at ang pag-usad patimog ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ).
Napansin din ng ahensya ang paghina ng mga hanging dala ng Habagat at ang pagbaba ng dami ng pag-ulan na karaniwang iniuugnay sa monsoon.
Sa kabila nito, patuloy na imo-monitor ng PAGASA ang lagay ng panahon at klima sa bansa upang matukoy ang mga posibleng pagbabago sa mga susunod na araw.
Pinayuhan naman ng ahensya ang publiko at mga kinauukulang ahensya na manatiling mapagmatyag at regular na subaybayan ang mga weather update at abiso upang makapaghanda sa anumang posibleng epekto ng pagbabago ng panahon.
