NAGSAMPA ang Office of the Ombudsman ng mga kasong graft at malversation of public funds sa Sandiganbayan laban sa anim na opisyal ng Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng umano’y P491.9 milyong ‘Road Right-of-Way’ Scam.
Ayon sa Ombudsman, nakitaan ng prima facie evidence with reasonable certainty of conviction ang dating DPWH Region XII Regional Director na si Subair Saro Diron, dating Assistant Regional Director na si Laureano B. Suan Jr., at apat pang tauhan ng DPWH.
Bukod sa anim na opisyal, pitong pribadong indibidwal na umano’y sangkot sa nasabing modus ang isinama rin sa mga kaso.
Iniulat ng Ombudsman na naghain ito ng 18 informations para sa malversation of public funds through falsification of public documents sa ilalim ng Articles 217 at 171 ng Revised Penal Code, gayundin ng 18 informations para sa paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Nag-ugat ang mga kaso sa tatlong investigation report na isinumite ng National Bureau of Investigation (NBI) noong 2018 at 2019.
Tinutukoy sa mga ulat ang pagbabayad ng right-of-way para sa 18 lote ng lupa na umano’y naapektuhan ng konstruksyon ng Digos-Makar National Road sa Lagao, General Santos City.
Sa affidavit noong 2017, sinabi ng witness na si Roberto S. Catapang Jr. na kabilang siya sa umano’y sindikatong nagsagawa ng naturang scheme.
Ayon kay Catapang, nakipagsabwatan umano ang grupo sa mga respondent na opisyal ng gobyerno upang makakolekta ng pera mula sa pamahalaan sa pamamagitan ng pagpapanggap na bayad sa mga lupang kinukuha para sa proyekto, gamit ang mga pekeng dokumento.
Sinabi rin ng Ombudsman na inaprubahan ng Technical Working Group (TWG) ng DPWH Region XII ang disbursement na nagkakahalaga ng P491,931,120.20 sa mga claimant na umano’y nagsumite ng mga dokumentong pineke.
Bukod dito, natuklasan din ng mga imbestigador ang umano’y pagpapalaki sa mga right-of-way claims sa pamamagitan ng paggamit ng appraisal value na P3,500 kada square meter noong 2009, na itinuturing na ilegal na batayan sa pagkukuwenta ng kompensasyon para sa mga lupang kinuha ng pamahalaan noong dekada 1990.
