NAGPATAW ng P555.75 milyong multa ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa motorcycle taxi platform na ‘Move It’ dahil sa labis na pagdaragdag na bilang ng mga rider-partner nito.
Ayon sa LTFRB, pinahintulutan lamang ang Move It na mag-operate ng 17,746 rider-partners sa Metro Manila, Cebu City at Cagayan de Oro, ngunit lumampas ito sa limitasyon na 55,575 riders.
Dahil dito, nagpataw ang board ng ₱10,000 multa sa bawat hindi awtorisadong rider, na nagresulta sa kabuuang parusang ₱555.75 milyon.
Gayunman, nilinaw ng LTFRB na hindi pa pinal ang desisyon dahil naghain ang Move It ng motion for reconsideration o mosyon para sa muling pagsasaalang-alang.
“Dahil dito, hindi pa pinal ang desisyong inilabas ng LTFRB sa naturang usapin, dahil nakabinbin pa ang Motion for Reconsideration na inihain ng kinauukulang motorcycle taxi platform provider,” ayon sa pahayag ng board nitong Martes, Nobyembre 3.
Sinabi rin ng LTFRB na hindi muna nito maaaring ibunyag ang karagdagang detalye ng imbestigasyon dahil nagpapatuloy pa ang mga legal na proseso.
Kasabay nito, bumubuo na ang ahensya ng mga hakbang upang matugunan ang sitwasyon ng libu-libong rider na pinayagang mag-operate nang lampas sa awtorisadong bilang ng platform.
Ayon sa LTFRB, pinag-aaralan nito ang mga angkop na hakbang para sa mga apektadong rider habang tinitiyak na mahigpit na sumusunod sa mga regulasyon ng pamahalaan ang online booking system ng mga ride-hailing service.
Binigyang-diin ng ahensya na ang mga rider ay gumamit ng sarili nilang puhunan upang kumita ng kabuhayan at kumilos nang may mabuting hangarin, sa paniniwalang naaayon sa umiiral na mga patakaran at regulasyon ang kanilang operasyon.
Samantala, kinumpirma ng Move It na natanggap nito ang paunang desisyon ng LTFRB at naghain ng motion for reconsideration matapos suriin ang mga posibleng epekto nito sa kanilang platform at sa industriya ng motorcycle taxi.
Ayon sa kumpanya, nakikipag-ugnayan ito sa LTFRB sa pamamagitan ng naaangkop na proseso habang patuloy na sinusuri ang usapin.
“Gumagalang kami sa awtoridad ng Board at nananatili kaming nakatuon sa pagtutulungan upang makabuo ng isang napapanatiling at angkop na regulatory framework para sa mga motorcycle taxi,” pahayag ng Move It.
