INABOT ng halos walong oras bago tuluyang makontrol ang sunog na sumiklab sa pasilidad ng Jinboway Technology Ltd. sa loob ng Subic Gateway Park Phase II sa Subic Bay Freeport Zone nitong Huwebes ng madaling-araw, Nobyembre 5.
Ayon sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA), idineklarang kontrolado ang sunog dakong alas-5:45 ng umaga matapos itong sumiklab bandang alas-2:35 ng madaling-araw.
Sinabi ni SBMA Communications Head Armie Llamas na mabilis na kumalat ang apoy dahil sa mga nakaimbak na tela at plastik na materyales sa loob ng pabrika.
Dahil dito, nabalot ng makapal na usok ang lugar habang nilamon ng apoy ang malaking bahagi ng industrial park.
Lalong tumindi ang sunog at kumalat sa magkakasunod na gusali sa lugar bago tuluyang nakontrol ng mga rumespondeng bumbero.
“Sinisikap pa naming matukoy kung aling mga kumpanya ang naapektuhan,” ani Llamas sa isang panayam sa telepono.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa insidente dahil nakalabas nang ligtas ang lahat ng tao sa lugar, dagdag pa niya.
Nagpatuloy ang operasyon ng mga bumbero at emergency responders, kabilang ang SBMA Fire Rescue Team, City Disaster Risk Reduction and Management Office Fire and Rescue Bravo Team, gayundin ang mga yunit ng Bureau of Fire Protection (BFP) mula sa Subic at Olongapo.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang karagdagang detalye hinggil sa kabuuang halaga ng pinsalang idinulot at naging sanhi ng sunog na umabot sa Task Force Bravo
