ISANG 38-anyos na lalaki ang dinakip ng pulisya matapos umanong saktan ang sarili nitong ina sa Purok Seromines, Barangay General Paulino Santos, Koronadal City, South Cotabato araw ng Linggo, Nobyembre 1.
Kinilala ang suspek sa alyas na “Maico” may asawa, habang ang kanyang ina naman ay kinilalang si Teresita, 76-anyos, kapwa residente sa nasabing lugar.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, nagsimula umano ang kanilang pagtatalo bandang alas-3:30 ng hapon matapos komprontahin ng suspek ang kanyang ina dahil sa mga platong hindi pa nahuhugasan.
Sa gitna ng kanilang pagtatalo, nagbanta umano ang suspek na papatayin ang kanyang ina bago ito kumuha ng upuan at pinaghahampas sa iba’t ibang parte ng katawan.
Nagawa pa umanong makatakbo ang biktima patungo sa kanilang kapitbahay at humingi ng tulong.
Agad namang rumesponde ang mga tauhan ng Koronadal City Police Station matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen tungkol sa pangyayari.
Sa bahay pa naabutan ng pulisya ang suspek at kasalukuyang nakakulong sa himpilan ng pulisya.
Nahaharap sa patong patong na mga kasong kriminal ang suspek habang nasa mabuting kondisyon na ang ina nito.
