KADAYANGAN, BARMM — Sugatan ang isang barangay chairwoman at dalawa pa niyang kasama matapos silang pagbabarilin ng mga hindi pa nakikilalang armadong lalaki sa Barangay Tumbras, Kadayangan, Special Geographic Area (SGA), BARMM, nitong Lunes ng hapon, Nobyembre 16, 2026.
Kinilala ni Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region spokesperson Captain Steffi Salanguit ang pangunahing biktima na si Fatima A. Mokamad, chairwoman ng Barangay Tumbras. Kabilang din sa mga sugatan ang kanyang 22-anyos na anak at isang focal person ng Municipal Social Services and Development (MSSD).
Naganap ang pananambang dakong alas-1:30 ng hapon, ayon sa ulat ng Kadayangan Municipal Police Station (MPS).
Agad namang rumesponde sa lugar ang mga tauhan ng Kadayangan MPS sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Julito E. Gonzales, officer-in-charge, upang beripikahin ang insidente.
Pagdating sa lugar, natagpuan ng mga pulis ang mga biktima sakay ng isang itim na pickup truck.
Agad na tinulungan ng mga awtoridad ang mga sugatan at isinugod sa ospital upang mabigyan ng paunang lunas at kinakailangang gamutan.
Patuloy namang nagsasagawa ng masusing imbestigasyon ang Kadayangan MPS upang matukoy ang mga salarin at malaman ang motibo sa likod ng pamamaril.
