ISINUGOD sa isang pribadong ospital ang 19-anyos na babaeng college student matapos umanong tangkaing gahasain at saksakin ng isang 46-anyos na lalaki sa Barangay Nazareth, Cagayan de Oro City, bandang alas-2:00 ng madaling araw nitong Martes, Nobyembre 17.
Patuloy na inoobserbahan sa pagamutan bunsod ng mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima sa alyas na “Lovely”.
Habang ang suspek ay kinilala sa alyas na Andro, 46-anyos, may asawa at nagtatrabaho bilang maintenance personnel sa compound kung saan matatagpuan ang inuupahang apartment ng biktima.
Batay sa imbestigasyon, naka inom umano ng alak ang suspek nang pumasok ito sa kuwarto ng biktima at tangkaing gahasain ang dalaga.
Nagtangka umanong ipagtanggol ng biktima ang sarili at nakatakbo pa palabas upang humingi ng tulong.
Gayunman, nagtamo na ito ng ilang saksak sa bahagi ng leeg at katawan habang naabutan naman ng ilang mga nakatambay sa labas na rumesponde sa biktima at dito na hinabol ang suspek hanggang abutan at kuyugin ng mga kalalakihan.
Sa kasalukuyan ay nakakulong na ang suspek sa Police Station 2 (Nazareth Police Station) at pinaplantsa na ang patong patong na mga kaso laban dito
