ITINANGGI ng Philippine National Police (PNP) na iniligtas o ikinulong ang limang dating kasambahay ni Vice President Sara Duterte, at nilinaw na sinamahan lamang sila ng mga pulis sa kahilingan ng kanilang mga abogado.
Ayon sa PNP, kusa umanong nagtungo sa himpilan ng pulisya ang limang indibidwal at malaya rin silang umalis matapos maidokumento ang insidente.
Naglabas ng paglilinaw ang pulisya matapos sabihin ni Atty. Paolo Panelo, tagapagsalita ni Duterte, na umano’y labag sa kanilang kalooban na pinananatili ng kanilang bagong employer ang limang dating kawani at pinagbantaan pa upang pumirma sa isang dokumentong naglalaman umano ng mga maling alegasyon.
Ayon kay Panelo, sa tulong ng mga pulis ay napalaya ang mga ito at dinala sa isang police station upang gumawa ng mga affidavit at magpa-blotter.
Gayunman, iginiit ng PNP na walang naganap na rescue operation dahil walang sinumang ikinulong o pinigilang umalis.
“Walang rescue at walang pagpapalaya dahil walang sinumang ikinulong. Hindi pinipigilan ang limang indibidwal at kusa silang nagtungo sa himpilan at umalis din nang kusa,” ayon sa PNP.
Ipinaliwanag ng pulisya na dalawang legal representative ng mga dating kawani ang humingi ng tulong sa Fort Bonifacio Police Sub-Station 1 sa Taguig City upang samahan sila sa isang hotel sa Bonifacio Global City at sunduin ang limang indibidwal.
Pagdating doon, wala umanong nakitang palatandaan ang mga pulis na pinipigilan ang mga ito o may agarang banta sa kanilang kaligtasan.
Sa police station, tumanggi umano ang limang indibidwal na personal na gumawa ng affidavit tungkol sa sinasabing pagkakakulong o tukuyin ang mga taong sangkot sa insidente.
Sa halip, ang kanilang legal counsel ang naghanda at nagsumite ng affidavit para sa dokumentasyon noong Martes, Nobyembre 17.
Sa press briefing sa Camp Crame, nilinaw naman ni PNP spokesperson Brig. Gen. Allen Rae Co na dalawa lamang sa limang indibidwal ang dating tauhan ni Duterte, habang ang tatlo ay mga manggagawa ng kanilang employer.
Binigyang-diin din ni Co na hindi nangangahulugang napatunayan na ang mga alegasyon dahil lamang nakatala ang mga ito sa police blotter.
“Ang nais naming bigyang-diin sa publiko ay hindi beripikado o balidado ang impormasyong nakasaad sa police blotter,” ani Co.
Paliwanag niya, talaan lamang ng mga pahayag ng nagrereklamo ang police blotter at hindi awtomatikong nagpapatunay na totoong nangyari ang mga iniulat na insidente.
Samantala, sinabi ng PNP na bukas ang kanilang tanggapan sa pagtanggap ng mga reklamo at affidavit, gayundin sa pagbibigay ng kaukulang tulong at proteksiyon sa mga nag-uulat ng pagbabanta.
Inimbitahan din ng pulisya ang panig ng umano’y employer na magsumite ng kanilang salaysay upang marinig ang kanilang panig sa kontrobersiya.
