TIMBOG ang isang 43-anyos na barangay kagawad na itinuturing na high-value target (HVT) ng pulisya sa isinagawang operasyon sa bayan ng Labangan, Zamboanga del Sur, nitong Biyernes ng madaling araw, Nobyembre 20.
Bukod sa pagkakaaresto sa suspek, nakumpiska rin sa kanya ang hinihinalang shabu at isang improvised na baril.
Ayon kay Police Capt. Derf Jay Maquinta, tagapagsalita ng Zamboanga del Sur Police Provincial Office (ZSPPO), isinagawa ng mga operatiba ng Labangan Municipal Police Station ang pagsalakay dakong alas-2 ng madaling-araw sa Purok Gadungan, Barangay Bulanit, kung saan ipinatupad ang mga search warrant laban sa naturang opisyal ng barangay.
Inilabas ang mga warrant noong Nobyembre 19 ng Regional Trial Court sa Pagadian City kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act.
Kabilang sa mga nakumpiska ng pulisya ang isang sachet ng hinihinalang shabu, isang improvised 12-gauge shotgun, isang maikling steel magazine, 36 na bala ng 12-gauge shotgun at isang clip na gawa sa kawayan na hinihinalang ginagamit sa pagsasara ng mga sachet ng ilegal na droga.
Dinala ang suspek at mga nakumpiskang ebidensya sa Labangan Municipal Police Station para sa dokumentasyon at kaukulang disposisyon.
Naghahanda na rin ang mga awtoridad ng mga pormal na reklamong paglabag sa RA 9165 at RA 10591 na isasampa sa korte laban sa suspek.
