PATAY ang isang siyam na taong gulang na lalaki makaraang masagasaan ng puting SUV sa Govic Highway, Sitio Baring, Barangay San Nicolas, Castillejos, Zambales umaga ng Sabado, Nobyembre 21.
Batay sa inisyal na report ng Castillejos PNP, nakilala ang biktima sa alyas na “Mio,” residente ng Barangay Balaybay, Castillejos.
Naganap ang trahedya dakong alas-6:45 ng umaga, binabagtas umano ng isang Suzuki Ertiga, na minamaneho ng isang 36-anyos na lalaki, ang silangang bahagi ng highway nang umano’y mawalan ito ng preno.
Dahil dito, nawalan umano ng kontrol ang driver sa sasakyan at nabangga ang batang naglalakad sa gilid ng kalsada.
Mabilis na isinugod ng mga nakasaksi sa insidente ang bata sa San Marcelino District Hospital subalit hindi na nailigtas ang kanyang buhay.
Dinala naman sa Castillejos Municipal Police Station ang sangkot na driver at ang sasakyan para sa kaukulang imbestigasyon at disposisyon.
Mula sa Reckless Imprudence Resulting in (RIR) Homicide, iniakyat na sa kasong Homicide ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente.
