TINATAYANG nasa siyam sa 17 indibidwal ang nahulog sa isang ilog matapos kumalas ang kable sa isang bahagi ng tulay na naging sanhi ng biglaang pagtagilid nito nitong araw ng Biyernes, Nobyembre 20 sa Baler, Aurora.
Ayon kay Arturo Molina, hepe ng Baler Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO), nakatanggap sila ng ulat tungkol sa insidente dakong alas-10:17 ng umaga at agad na nakipag-ugnayan sa kinauukulang barangay.
Nakipag-ugnayan din ang Baler MDRRMO sa Aurora Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) upang humingi ng karagdagang kagamitan at tauhan bago dumating ang mga responder sa lugar.
Nilinaw ni Molina na hindi gumuho ang tulay kundi kumalas lamang ang kable sa isang panig nito na naging dahilan upang tumagilid ang estruktura.
Dahil sa biglaang pagtagilid, nawalan ng balanse at nahulog sa Kinalapan River
ang mga taong nasa tulay na noon ay kumukuha ng mga larawan ng magandang tanawin sa lugar.
Isa sa mga nahulog ay ang 19-anyos na estudyante mula sa Nueva Ecija na nakaranas ng pananakit ng balakang at nagtamo ng bahagyang galos.
Agad na binigyan ng paunang lunas ang mga biktima ng mga responder bago isinugod sa Aurora Memorial Hospital ang nasabing estudyante.
Ayon kay Molina, walang naiulat na malubhang pinsala sa mga nahulog sa ilog. Wala ring komunidad na nahiwalay o na-stranded dahil mayroon pang ibang kalsadang maaaring daanan ng mga residente, bagama’t mas mahaba ang rutang ito.
Nilinaw rin niya na hindi itinayo ang tulay bilang pasyalan o atraksyong panturismo kundi upang magsilbing mas maikling daanan ng mga residente, partikular ng mga pumapasok sa Aurora State College of Technology.
Itinayo ang tulay ng Provincial Engineering Office (PEO) matapos hilingin ng barangay ang pagkakaroon ng alternatibong daanan upang mapadali ang pagpasok ng mga estudyante sa naturang paaralan na matatagpuan sa kabilang bahagi ng lugar.
Nakatakda namang magsagawa ng dayalogo sa Lunes upang talakayin ang insidente at ang mga susunod na hakbang kaugnay ng pagkukumpuni at muling paggamit sa tulay ng LGU.
