KUMPIYANSA si Ombudsman Jesus Crispin Remulla na matatapos sa loob lamang ng isang taon ang kasong plunder laban kay dating House Speaker Martin Romualdez, kasabay ng pagtitiyak na hindi nila hahayaang maantala ang paglilitis dahil sa mga taktikang ginagamit sa korte.
Noong Setyembre, nagsampa ang Office of the Ombudsman ng kasong plunder laban kay Romualdez at dalawa pang kapwa akusado sa Sandiganbayan kaugnay ng umano’y pagtanggap ng mga kickback na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P7.44 bilyon.
Kasalukuyang nakadetine si Romualdez sa Male Dormitory ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) sa Quezon City.
Sa kanyang programa sa radyo sa DZRH nitong Sabado, sinabi ni Remulla na posibleng matapos ang kaso sa loob ng isang taon dahil nakahanda na ang kanilang mga ebidensya bago pa man magsampa ng kaso.
Aniya, dati ay umaabot pa ng 15 taon bago maresolba ang mga katulad na kaso, ngunit nais nilang mapabilis ang proseso sa pamamagitan ng maagang paghahanda ng mga kinakailangang ebidensya.
Ang pahayag ni Remulla ay kasunod ng pagsuko ni Felicito Guevarra, isa sa mga kapwa akusado ni Romualdez, sa National Bureau of Investigation (NBI) nitong Biyernes.
Si Guevarra ang presidente ng Samchan Foreign Exchange Corp.
Ayon sa Ombudsman, sumuko ito matapos hilingin ng prosekusyon na kanselahin ang kanyang pasaporte.
Matapos ang pagsuko, pinagkalooban si Guevarra ng conditional immunity alinsunod sa Section 17 ng Republic Act No. 6770 o Ombudsman Act of 1989.
Inilarawan ni Remulla bilang mahalaga ang pagsuko ni Guevarra, lalo’t naibalik na umano sa Bureau of the Treasury ang komisyon nitong nagkakahalaga ng humigit-kumulang P324 milyon mula sa naturang transaksyon.
Sinabi rin ng Ombudsman na nais nilang agad nang ilahad sa korte ang kanilang pangunahing mga ebidensya sa kaso ni Romualdez sa halip na magtagal pa sa mga paunang pagdinig, kabilang ang usapin sa piyansa.
Binigyang-diin ni Remulla na handa na silang ilatag ang kabuuan ng kanilang mga ebidensya at hindi nila hahayaang maantala ang paglilitis.
Ayon sa kanya, isa sa pinakamalaking hadlang sa paghahanap ng katarungan ang paulit-ulit na pagkaantala ng mga kaso, kaya nais nilang maisagawa ang paglilitis sa pinakamaikling panahong possible.
