NAGING madugo ang isang lamay sa Tacloban City matapos pagbabarilin ang isang 22-anyos na lalaki habang nakikipaglamay sa kanyang namayapang ama sa Purok 1, Barangay 92, Apitong, madaling araw nitong Sabado.
Kinilala ang nasawi sa alyas na “Jason,” isang glass installer at residente ng lungsod.
Arestado naman ang itinuturong bumaril na si “Garry,” 26-anyos, na residente rin ng Tacloban City.
Sa ulat ng pulisya, kasalukuyang nakaburol ang ama ni Jason nang biglang magkaroon ng sunog sa likurang bahagi ng kanilang tahanan dakong alas-2 ng madaling araw.
Dahil dito, nagmadaling kumilos ang mga kaanak at iba pang nakikiramay upang apulahin ang apoy.
Ngunit habang abala ang mga tao sa pag-apula ng sunog, biglang umalingawngaw ang dalawang putok ng baril na ikinagulat ng mga naroroon.
Ilang saglit pa, nakita si Jason na nakahandusay sa sahig at duguan, habang mabilis namang tumakas ang suspek.
Kaagad na dinala ang biktima sa Mother of Mercy Hospital at kalaunan ay inilipat sa Tacloban City Hospital. Gayunman, hindi na siya umabot nang buhay at idineklarang dead on arrival.
Sa pamamagitan ng follow-up operation at pagkuha ng pahayag mula sa mga saksi, natunton ng mga pulis ang suspek at tuluyang nadakip.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Police Station 1 ng Tacloban City Police Office si Garry para sa kaukulang proseso habang patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang motibo sa pamamaslang.
