MARIING tinutulan ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon ang umano’y planong ibalik sa puwesto ang mga dating opisyal ng Land Transportation Office (LTO) na sinibak noong siya pa ang namumuno sa ahensya.
“Over my dead body!” ito ang matapang na pahayag ni Dizon nang tanungin ng mga mamamahayag nitong Lunes, Nobyembre 23, hinggil sa posibleng pagbabalik sa serbisyo ng mga dating opisyal.
Nagbabala rin ang kalihim sa mga umano’y nagsusulong ng naturang hakbang at iginiit na hindi dapat umasa ang mga dating opisyal na awtomatiko silang maibabalik sa kanilang mga dating posisyon sakaling magkaroon ng pagbabago sa pamunuan ng LTO.
Gayunman, nilinaw ni Dizon na nasa kamay pa rin ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang desisyon kung magkakaroon ng reshuffling o pagbabago sa mga opisyal ng ahensya.
Aniya, hindi siya o si Transportation Assistant Secretary Marcos ang may huling pasya dahil ang Pangulo ang may kapangyarihang magtalaga at maglipat ng mga opisyal ng Gabinete.
Ipinaliwanag ni Dizon na nakasalalay sa pagsusuri ng Pangulo kung saan mas magiging kapaki-pakinabang at epektibo ang serbisyo ng isang opisyal sa pamahalaan.
Ginamit niyang halimbawa ang sarili niyang pagbabalik sa DOTr mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH), gayundin ang pagkakatalaga kay Giovanni Lopez bilang bagong kalihim ng DPWH.
“Hintayin na lang natin. Wisdom ng Pangulo natin ‘yan. At kailangan irespeto natin,” ani Dizon.
Samantala, nag-ugat ang kontrobersiya sa mga espekulasyon tungkol sa posibleng pagbabago sa pamunuan ng LTO, partikular ang napabalitang pagtanggal o paglilipat kay Assistant Secretary Markus Lacanilao bilang hepe ng ahensya.
Bilang pagtutol sa napipintong pagbabago, inanunsyo ng transport group na MANIBELA ang pagsasagawa ng dalawang araw na tigil-pasada ngayong Nobyembre 23 at 24.
Ayon sa grupo, nagsisimula pa lamang umanong maramdaman ang mga reporma at pagbuti ng serbisyo sa ilalim ng pamumuno ni Lacanilao kaya nananawagan silang huwag itong palitan sa puwesto.
