IBINASURA ng Korte Suprema ang pinagsama-samang petisyon ng mga anak ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na humihiling ng writ of habeas corpus upang kuwestiyunin ang pagkakaaresto at pagkakakulong sa kanya sa kustodiya ng International Criminal Court (ICC).
Sa desisyong inilabas ng Supreme Court En Banc, itinuring nang moot and academic ang mga petisyon dahil kasalukuyang nasa kustodiya na ng ICC sa The Hague, Netherlands si Duterte.
Ang desisyon ay isinulat ni Associate Justice Japar B. Dimaampao at tumukoy sa mga petisyong inihain nina Sebastian, Veronica at Paolo Duterte para sa kanilang ama.
Ipinaliwanag ng Korte Suprema na hindi na maipatutupad ng mga korte sa Pilipinas ang writ of habeas corpus dahil nasa kustodiya na ng isang internasyonal na hukuman si Duterte.
Sa botohan ng mga mahistrado, siyam ang pumabor sa pagbasura sa mga petisyon, habang apat naman ang tumutol sa desisyon.
