PATAY ang isang police captain matapos pasukin ng dalawang armadong lalaki ang kanyang kuwarto sa isang boarding house at pagbabarilin sa Kidapawan City, North Cotabato nitong Lunes ng hapon, Nobyembre 23.
Kinilala ni Police Col. Ramel Hojilla, provincial director ng Cotabato Provincial Police Office (CPPO), ang biktima na si Police Capt. Razul Guiambangan Pandulo, na nakatalaga sa Bubong Municipal Police Station sa Lanao del Sur sa ilalim ng Police Regional Office-Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).
Batay sa paunang imbestigasyon, naganap ang pamamaril dakong alas-4 ng hapon sa NGM Boarding House sa Bulong Subdivision, Barangay Poblacion, nang pasukin ng dalawang hindi pa nakikilalang suspek ang silid ng pulis.
Bago ang insidente, nagkaroon umano ng inuman ang biktima at isang kaibigan dakong alas-2:30 ng hapon. Pagkatapos nito, bumalik si Pandulo sa kanyang kuwarto upang magpahinga.
Ilang oras ang lumipas nang makarinig ng dalawang putok ng baril mula sa silid ng biktima. Nang puntahan ito, natagpuan siyang nakahandusay sa sahig at naliligo sa sariling dugo.
Agad namang nagsagawa ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Kidapawan City Police Station upang matukoy at madakip ang dalawang salarin.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang motibo sa likod ng krimen at ang pagkakakilanlan ng mga suspek.
Napag-alaman na halos isang linggo pa lamang nanunuluyan sa Kidapawan City si Pandulo kasama ang iba pang indibidwal bago siya pinaslang.
