SUNISPINDI nang anim na buwan nang walang sahod ng Office of the Ombudsman ang isang barangay secretary sa Makati City matapos mapatunayang gumamit ng opisyal na kapangyarihan sa panghihingi ng donasyon para sa Christmas party ng mga kawani ng barangay.
Kinilala ang opisyal na si Bayani Galzote Olegario, barangay secretary ng Barangay Sta. Cruz, na napatunayang administratibong responsable sa kasong conduct prejudicial to the best interest of the service.
Batay sa desisyon ng Ombudsman, nagpadala si Olegario ng mga liham noong Disyembre 2025 sa mga pribadong indibidwal upang humingi ng cash at mga donasyong kagamitan para sa Christmas party ng mga opisyal at empleyado ng barangay.
Ginamit umano sa mga liham ang opisyal na letterhead ng Sangguniang Barangay, gayundin ang kanyang lagda at posisyon bilang barangay secretary, na nagbigay ng impresyon na ang solicitation ay isang opisyal na aktibidad ng pamahalaang barangay.
Ayon sa Ombudsman, hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng pangalan at awtoridad ng isang tanggapan ng gobyerno para sa mga aktibidad na hindi bahagi ng opisyal nitong tungkulin.
Binigyang-diin ng anti-graft body na ang ganitong gawain ay maaaring magbigay ng maling impresyon na mismong pamahalaan ang nanghihingi ng pera o ari-arian sa mga pribadong indibidwal para sa kapakinabangan ng mga empleyado nito.
Sinabi rin ng Ombudsman na may sapat na ebidensiya upang patunayang nasira ni Olegario ang imahe at integridad ng barangay sa paggamit ng kanyang opisyal na posisyon, letterhead at lagda sa panghihingi ng donasyon.
Kung hindi na maipatutupad ang suspensiyon dahil hindi na kabilang sa serbisyo ang opisyal, papalitan ito ng multang katumbas ng anim na buwan at isang araw na sahod na babayaran sa Office of the Ombudsman.
Nagbabala ang Ombudsman na hindi sapat na umiwas lamang sa katiwalian ang mga kawani ng gobyerno. Dapat din nilang tiyaking hindi ginagamit ang kanilang posisyon at kapangyarihan para sa pansarili o hindi awtorisadong mga gawain.
