INATASAN ng Sandiganbayan ang National Bureau of Investigation (NBI) na iharap sa korte si Felicito Guevarra, kapwa akusado ni dating House Speaker Martin Romualdez sa kasong plunder kaugnay ng umano’y ₱7.44-bilyong kickback, sa Disyembre 4 para sa kanyang arraignment.
Ayon kay Sandiganbayan Clerk of Court Dennis Pulma, nilagdaan nitong Huwebes, Nobyembre 26, ang kautusan na nag-uutos sa NBI na dalhin si Guevarra sa korte upang maisabay ang kanyang pagharap sa huling araw ng bail hearing ni Romualdez.
Orihinal na nakatakda sa Nobyembre 27 ang arraignment ni Guevarra ngunit ipinagpaliban ito sa Disyembre 4.
Sumuko si Guevarra sa NBI noong nakaraang linggo matapos hilingin ng mga tagausig na kanselahin ng korte ang kanyang pasaporte. Kasalukuyan siyang nakapiit sa detention facility ng ahensya.
Si Guevarra ang presidente ng Samchan Foreign Exchange Corporation, na umano’y ginamit na daluyan ng mga kickback na sinasabing natanggap ni Romualdez.
Nauna nang itinakda ng Sandiganbayan sa Disyembre 4 ang huling araw ng bail hearing ni Romualdez kaugnay ng plunder case.
Hiniling din ng mga tagausig na alisin si Guevarra bilang akusado sa kaso upang mapalitan niya si dating Public Works and Highways Secretary Manuel Bonoan bilang testigo sa bail hearing ng dating House Speaker.
Nahaharap si Romualdez sa kasong plunder dahil sa umano’y pagtanggap ng ₱7.44 bilyong kickback mula sa mga proyekto ng imprastraktura ng pamahalaan na pinondohan mula 2022 hanggang 2025.
Gayunman, nilinaw ni Pulma na wala pang inilalabas na resolusyon ang Sandiganbayan kaugnay ng mga mosyong inihain ng mga tagausig.
