MAKAKAKUHA ng kabuuang ₱1.987 bilyong refund ang mga kostumer ng Manila Electric Co. (Meralco) matapos ipag-utos ng Energy Regulatory Commission (ERC) ang pagbabalik ng mga singil na hindi dapat isinama sa kanilang bayarin sa kuryente.
Sa anunsiyo ng ERC nitong Huwebes ng gabi, sinabi nitong ipatutupad ng Meralco ang refund sa susunod na billing cycle, katumbas ng average na ₱0.1536 kada kilowatt-hour (kWh).
Mas malaki naman ang matatanggap na bawas ng mga residential customer na aabot sa ₱0.2611 kada kWh.
Sa naturang refund rate, ang isang sambahayang kumokonsumo ng 200 kWh kada buwan ay makatitipid ng humigit-kumulang ₱52 sa bawat buwan, o kabuuang ₱157 sa loob ng tatlong buwang refund period.
Ayon sa ERC, nagmula ang refund sa mga gastusin para sa pensiyon at iba pang benepisyo ng mga empleyado na isinama ng Meralco sa singil nito ngunit kalauna’y hindi pinahintulutang ipasa sa mga konsumer.
Ilalagay ang ibabalik na halaga bilang hiwalay na item sa electricity bill upang malinaw na makita ng mga kostumer ang kanilang natanggap na refund.
Sinabi ni ERC Chairperson at CEO Francis Saturnino Juan na napapanahon ang pagbabalik ng pera dahil nahaharap din ang mga konsumer sa pagtaas ng generation charges bunsod ng mahal na langis, paghina ng piso kontra dolyar at limitadong pagitan ng suplay at demand ng kuryente.
Sa kabila nito, inaasahan niyang makatutulong ang refund upang mabawasan ang epekto ng mataas na singil sa kuryente sa gastusin ng mga kabahayan.
“Sa pamamagitan ng maagap na pagkilos at pagtatapos sa kasong ito, tiniyak ng komisyon na maibabalik sa mga kostumer ang halagang nararapat sa kanila sa panahong higit nila itong kailangan,” ayon kay Juan.
