PANIBAGONG bawas-presyo sa mga produktong petrolyo ang inaasahang mararanasan ng mga motorista sa susunod na linggo, bunsod ng pagluwag ng suplay ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay Jetti Petroleum President Leo Bellas nitong Biyernes, posibleng bumaba ng ₱3 hanggang ₱3.50 kada litro ang presyo ng diesel at gasolina sa susunod na linggo.
Kapag natuloy ang inaasahang rollback, magiging limang magkakasunod na linggo na ang pagbaba ng presyo ng diesel at apat na linggo naman para sa gasolina.
Ipinaliwanag ni Bellas na nanatiling mababa ang presyo ng langis ngayong linggo dahil sa inaasahang pagdami ng suplay sa pandaigdigang merkado.
Nakatulong din umano ang pagtaas ng mga kargamento ng krudo mula sa mga terminal sa Middle East na matatagpuan sa labas ng Strait of Hormuz, sa kabila ng patuloy na pangamba sa seguridad ng paglalayag dahil sa mga pag-atake sa loob ng naturang kipot.
Nakabatay ang paunang pagtaya sa unang apat na araw ng trading sa Mean of Platts Singapore (MOPS) at sa paggalaw ng palitan ng piso kontra dolyar.
Ang MOPS ang pangunahing batayan sa pagpepresyo ng mga produktong petrolyo sa Southeast Asia.
Gayunman, nilinaw na hindi pa kabilang sa kasalukuyang pagtaya ang karagdagang gastos sa transportasyon ng langis sa karagatan at insurance, na maaari pang makaapekto sa pinal na galaw ng presyo.
