KINASUHAN ng 87 counts ng money laundering si dating Mayor Alice Guo ng Bamban, Tarlac at 35 iba pa sa Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes.
Ang mga kaso ay isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI), Anti-Money Laundering Council (AMLC), at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) at sangkot ang tinatayang P7 bilyon halaga ng ari-arian mula sa tinatawag na “scam farm operations” sa Central Luzon.
Kabilang sa mga kinasuhan dahil sa paglabag sa Republic Act 9160 o Anti-Money Laundering Act of 2001, sina Cassandra Ong at ang sinasabing kapatid ni Alice na si Shiela, pati na rin ang mga opisyal ng QSeed Genetics, Zun Yuan Technology Inc., Hongshen Gaming Technology Inc., QJJ Farms, at Baofu Land Development Inc.
Kabilang din sa mga respondent sina Jian Zhong Guo na kilala rin bilang Angelito Guo at Angelito Dela Cruz, ang kanyang ina na si Lin Wenyi na kilala rin bilang Wen Yi Lin at Amelia Leal; at Seimen Guo.
“The respondents, through their individual or collective conspiratorial acts, evidently transacted the money or money instruments representing the proceeds of the unlawful activities involving human trafficking, securities regulation violation, and estafa/swindling,” ayon sa reklamo.
Sinabi ni AMLC Executive Director Matthew David na ang pagsasampa ng kaso ay bahagi ng pagpupunyagi ng konseho upang “labanan ang mga krimen sa pananalapi at protektahan ang integridad ng sistemang pinansyal ng Pilipinas.”
“Ang AMLC ay nananatiling tapat sa misyon nitong tiyakin na ang sistemang pinansyal ay hindi magagamit upang isulong ang mga kriminal na gawain,” ayon pa kay David.
Ayon kay Justice Undersecretary Hermogenes Andres, ang pagsasampa ng mga kaso ay isang epektibong labanan ang iba pang nais maglunsad ng katulad na “boiler room” fraud operations sa bansa.
Sinabi ni Andres na humiling ang pamahalaan ng Pilipinas sa International Police Organization (Interpol) ng isang blue notice na mag-uutos sa mga bansang miyembro na iulat ang presensya ni Guo.
Dagdag pa niya, isang “red notice” ang susunod na hihilingin ng pamahalaang Pilipinas laban kay Guo kapag ang mga kaso ay naisampa na sa hukuman.
Sinabi ng mga opisyal na si Guo ay kasalukuyang nasa Jakarta, Indonesia, base sa pinakahuling impormasyon.
Dagdag pa ni Andres, maaaring magsampa pa ng karagdagang mga kaso sa hinaharap habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon.
Batay sa charge sheet, si Guo ay ang incorporator at pangulo ng BAOFU, QJJ, at QSEED habang siya ay nanunungkulan bilang mayor ng Bamban, Tarlac.
Inanyayahan umano ni Guo ang mga investor sa Tarlac, kasama sina Zhang Ruijin at Baoying Lin, sa isang multi-bilyong money laundering case sa Singapore, at si Zhiyang Huang na wanted sa China at nahaharap sa mga kaso sa Pilipinas na may kinalaman sa isang raid noong 2023.
Inakusahan din si Guo na nagpakilalang kinatawan ng Hongsheng at nanguna sa pagpapalabas ng isang resolusyon ng Sangguniang Bayan na nagpapahayag ng walang pagtutol sa aplikasyon ng Hongsheng na mag-operate.