NAKABALIK na sa Pilipinas ang dating alkalde ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Sakay ng pribadong eroplano na nagdadala kay Guo ay lumanding sa Royal Star Aviation Hangar sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City bandang alas 1:30 ng madaling araw ng Biyernes, Setyembre 6, 2024.
Ayon kay Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco, si Guo ay sinamahan nina Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benhur Abalos Jr. at Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Marbil.
Ang pribadong eroplano ay may kabuuang walong pasahero at tatlong crew members nang lumapag ito sa bansa.
Pagdating niya, agad na ipinatupad ng BI ang mission order laban sa dating alkalde, na nahaharap sa mga kaso ng undesirability at misrepresentation ayon sa mga batas sa imigration ng Pilipinas.
Naaresto si Guo ng mga awtoridad ng Indonesia sa isang apartment sa Tangerang City, Jakarta noong madaling araw ng Miyerkules.
Dumaan sa mga medical examination si Guo pagkadating nito.
Sinabi ni Guo na natatakot siya para sa kanyang buhay at humingi ng tulong kay Abalos.
“Sec, patulong. May death threats po kasi ako,” wika niya pagkatapos nilang magkamay nila Abalos nang magkita sila sa loob ng isang opisina ng pulisya sa Jakarta.
Tiniyak naman ni Abalos ang kaligtasan ni Guo at sinabi na isang chartered flight ang magdadala sa kanya pabalik sa Maynila.
.“Bandang tanghali, nakatanggap ako ng tawag na binibigyan tayo ng hanggang 1 a.m. ng Indonesian authorities kung hindi ito aalis pa Pilipinas, baka pakawalan nila si Alice Guo dahil maaari silang kasuhan ng illegal detention kaya agad tayong naghanap ng eroplano, kung hindi hindi tayo aabot sa flight, may kaibigan ako na nagpahiram ng eroplano kasi hahabulin natin yung ala una,” sabi ni Abalos.
Dumating sina Abalos at Marbil sa Indonesia noong umaga ng Huwebes upang makipagkita sa mga awtoridad ng Indonesia tungkol sa pag-turnover kay Guo.
Pinuri ni Abalos ang pagkakaaresto kay Guo sa matibay na pagtutulungan sa pagitan ng PNP at Indonesian National Police.
Pinasalamatan din niya ang mga awtoridad ng Indonesia para sa kanilang kooperasyon.
Noong 2017, pumirma ang dalawang puwersa ng pulisya ng memorandum of agreement tungkol sa palitan ng impormasyon at magkasanib na pagsisikap sa paglaban sa transnational crime, na kinabibilangan ng kooperasyon sa paghahanap ng mga fugitives.
Noong Hulyo 13, naglabas ang Senado ng arrest order laban kay Guo dahil sa paulit-ulit na pagbigo na dumalo sa imbestigasyon ng upper chamber tungkol sa ni-raid na POGO hub sa kanyang bayan.
Ang na-dismiss na alkalde ay nahaharap din sa kabuuang 87 counts money laundering, kasama ang reklamong human trafficking, kaugnay sa ni-raid na POGO hub sa Bamban.
Noong Huwebes, naglabas ang Tarlac Regional Trial Court Branch 109 ng warrant of arrest laban kay Guo para sa paglabag sa Republic Act 3019 o ang Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
Si Alice Guo ay sinasabing umalis ng bansa noong Hulyo kasama ang kanyang kapatid na si Sheila Guo at kapatid na si Wesley Guo, sa pamamagitan ng mga bangka.
Ang na-dismiss na alkalde ng Bamban ay pansamantalang nakadetine sa Camp Crame, Quezon City.