ISANG Australian national ang natagpuang patay sa kanyang tahanan sa Angeles City, Pampanga, nitong Martes.
Kinilala ni police director ng Angeles City na si Col. Amado Mendoza Jr. ang Aussie na si Noel Edwin Lobegeiger, 79, residente ng Josefa Subdivision, San Angelo St., Bgy. Malabanias.
Ayon sa caregiver ng foreigner na si Ma. Melit Ortega, pumunta siya sa apartment ni Lobegeiger upang ihanda ang kanyang pagkain.
Ngunit nang pumasok siya sa silid, nakita niyang nakaupo sa isang silya ang walang buhay na foreigner , kaya’t humingi siya ng tulong sa isang kaibigan na ipagbigay-alam sa pulisya.
Walang nakitang pinsala sa katawan ni Lobegeiger ang mga pulis.
Napag-alamanan mula sa mga awtoridad na ang foreigner ay dumaranas ng emphysema sa loob ng halos limang taon.
