ISANG hindi pa nakikilalang babae ang natagpuang patay at nakasilid sa loob ng refrigerator sa isang inuupahang apartment sa Rodriguez, Rizal, noong Miyerkoles ng umaga, Setyembre 16.
Batay sa paunang imbestigasyon ng pulisya, noong Setyembre 10 pa unang nagtungo ang may-ari ng apartment sa unit ng biktima upang papirmahin ito sa kontrata.
Gayunman, hindi na niya ito makausap dahil walang sumasagot sa loob ng unit.
Makalipas ang ilang araw, napansin ng may-ari ang hindi pangkaraniwang mabahong amoy na nagmumula sa apartment. Dahil dito, humingi siya agad ng tulong sa mga awtoridad.
Nang pasukin ng mga pulis ang unit, tumambad sa kanila ang bangkay ng babae na itinago sa loob ng refrigerator.
Patuloy ngayong nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad upang matukoy ang pagkakakilanlan ng biktima at matukoy kung sino ang huling taong nakasama nito bago ito natagpuang patay.
Nanawagan naman ang Rodriguez Municipal Police Station sa sinumang may impormasyon tungkol sa pagkakakilanlan ng biktima na makipag-ugnayan sa pulisya upang makatulong sa imbestigasyon.
