NATAGPUANG patay at naaagnas na sa Bgy. Batitang sa Zaragosa, Nueva Ecija nitong Biyernes ang Transport Network Vehicle Service (TNVS) driver na naiulat na nawawala ,
Kinumpirma ng pamilya ng biktima nang matagpuan ang bangkay sa isang madamong bahagi sa tabing kalsada sa Bgy. Batitang ang biktima ng TNVS driver na si Raymond Cabrera.
Nawala si Cabrera noong Mayo 18. Huli siyang nakitang nagsundo ng mga pasahero malapit sa isang casino hotel sa Parañaque City.
Sinabi ng NBI na itinuro ng dalawa sa tatlong suspek ang lugar kung saan umano nila inilibing ang biktima, ayon sa National Bureau of Investigation (NBI).
Sumuko ang mga suspek kay Manila Mayor Isko Moreno nitong Huwebes. Kinilala ang mga ito na sina John Kevin de Ocampo, kapatid nitong si Armin at Justin Dalaful, pawang mga residente ng Tondo, Maynila..
Sinabi ng alkalde ng Maynila na sumuko ang mga suspek sa tulong ni councilor Darwin Sia at ng mga opisyal ng Manila at Northern police districts.
Itinurn-over sa kustodiya ng NBI ang tatlo, na umamin umano sa pagpatay sa biktima.
Sa imbestigasyon, ihahatid sana ng biktima ang tatlong suspek sa Molino sa Cavite, ngunit kalaunan ay natagpuang abandonado Valenzuela City ang kanyang sasakyan na may mga bakas ng dugo.
Sinabi ng NBI na nasa advanced stage of decomposition na ang bangkay ni Cabrera nang matagpuan ito pasado ala-1 ng hapon noong Biyernes.
Ang biktima ay positibong kinilala ng kanyang pamilya sa funeral parlor.
Inihahanda na ang kasong Robbery with homicide at carnapping para sa pagsasampa sa korte laban sa mga suspek.
