POSIBLENG makakuha ng bawas-buwis ang milyun-milyong middle-income Filipino dahil nakatakdang repasuhin ng House Committee on Ways and Means ang kasalukuyang sistema ng personal income tax bilang tugon sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
Ayon kay Marikina 2nd District Rep. Miro Quimbo, chairman ng komite, rerepasuhin ang umiiral na income tax brackets, kabilang ang panukalang itaas ang tax-exempt income threshold at muling suriin ang pagbubuwis sa mga bonus, allowance, at iba pang mandatory deductions.
Sinabi ni Quimbo na hindi na akma sa kasalukuyang kalagayang pang-ekonomiya ang income tax brackets na ipinatupad pa noong 2018 dahil nabawasan na ang halaga ng kita ng mga manggagawa bunsod ng inflation.
Aniya, higit na apektado ang mga empleyadong kumikita ng ₱30,000 hanggang ₱80,000 kada buwan, dahil kadalasang nauubos lamang sa tumataas na gastusin ang anumang pagtaas sa kanilang sahod.
Idinagdag ni Quimbo na tututukan ng mga pagdinig ang kalagayan ng middle-income taxpayers na regular na nagbabayad ng buwis ngunit hindi nakikinabang sa tax exemptions o ayuda, habang patuloy na nag-aambag ng malaking bahagi sa koleksiyon ng pamahalaan.
