PATAY ang isang broadcaster matapos pagbabarilin ng riding-in-tandem na mga salarin sa harap ng kanyang sariling panaderya sa Barangay San Roque, Daraga, Albay nitong Lunes ng hapon.
Kinilala ang biktima na si Adrian “Golden Boy” Loterte ng RBN News Television, na binawian ng buhay matapos isugod sa Daraga Doctors’ Hospital.
Batay sa ulat, naganap ang pamamaril dakong alas-4:10 ng hapon habang nasa panaderyang pag-aari ng broadcaster ang biktima. Agad namang tumakas ang mga salarin matapos ang pamamaril.
Naglunsad ng hot pursuit operation ang pulisya upang matunton at madakip ang mga suspek na hanggang ngayon ay hindi pa nakikilala.
Mariing kinondena ng Philippine National Police (PNP) ang pagpatay kay Loterte at tiniyak na ginagawa ng mga awtoridad ang lahat ng hakbang upang maprotektahan ang mga mamamahayag laban sa mga krimen.
Ayon kay PNP spokesperson Police Col. Allen Rae Co sa isang press briefing nitong Martes, patuloy ang mga hakbang ng kapulisan upang matiyak ang kaligtasan ng mga media practitioner.
Sinabi rin ni Co na nakikipag-ugnayan ang PNP sa Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) upang palakasin ang mga hakbang sa pagprotekta sa mga mamamahayag.
Samantala, nanawagan ang PTFOMS sa mga kinauukulang law enforcement agency na magsagawa ng mabilis at masusing imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa krimen at mapanagot ang mga nasa likod nito.
Binigyang-diin ng task force na hindi katanggap-tanggap ang anumang uri ng karahasan laban sa mga miyembro ng media.
