PINALAYA na mula sa detention cell at kasalukuyang at-large si Cassandra “Cassie” Ong, na tumatayong business associate ng Mayor ng Bamban, Tarlac na si Alice Guo.
Ito ang isiniwalat sa pagdinig ng budget ng Department of Justice (DOJ) para sa 2026 sa Senado noong Biyernes.
Sa plenaryo ng deliberasyon, tinanong ni Sen. Risa Hontiveros ang DOJ kung nananatili pa rin sa ilalim ng detensyon si Ong sa kasalukuyan.
Ang sponsor ng budget ng DOJ na si Sen. Sherwin Gatchalian, na nagsasalita para sa ahensya, ay nagsabing si Ong ay pinalaya na sa detensyon nang matapos ang ika-19 na Kongreso.
“Na-detain ho siya sa House. At dahil sa paglipat mula sa 19th Congress patungo sa 20th Congress , pinalabas siya sa detention cell. Sa puntong iyon, wala pang siyang kaso,” aniya.
Ayon kay Gatchalian, si Ong ngayon ay nahaharap sa isang kwalipikadong kaso ng human trafficking.
Sa kasamaang palad, sinabi ni Gatchalian na ang kaso ay isinampa lamang pagkatapos mapalaya si Ong.
Pinaghahanap na ngayon ng mga awtoridad si Ong.
Sinabi ni Gatchalian na biniberipika ng Bureau of Immigration (BI) kung nakaalis na siya ng bansa.
“Automatic naman po ‘yung hold departure order, so pinapa-verify lang po kung wala na. Ang kinakatakutan lang natin baka rin ‘yung same sa backdoor, you remember kay Alice Guo. But ngayon po meron ng warrant of arrest at hinahabol na ho siya ng ating mga pulis at enforcement agencies,” sabi pa ni Gatchalian.
Ang Angeles City Regional Trial Court Branch 118 noong Mayo 8, 2025 ay naglabas ng warrant of arrest laban kay Ong, na dating presidential spokesperson Harry Roque, at ilang iba pa dahil sa umano’y pagkakasangkot nila sa operasyon ng isang ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) sa Pampanga.
