BINIGYANG diin ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Martes ang pangangailangan ng isang pambansang budget na naglalayong iangat ang mga Pilipinong nangangailangan.
Ito ay kasabay ng paghahanda ng Senado sa pagtalakay ng proposed national budget para sa taong 2025 ngayong linggo.
“Kung ano ang ating itatanim, iyan din ang ating aanihin,” wika ni Cayetano.
“We need a national budget that leaves no Filipino behind. Walang iwanan dapat,” dagdag niya.
Aniya, ang budget ay dapat sumasalamin sa tungkulin ng gobyerno bilang “ikalawang magulang” na magbibigay ng pantay na mga oportunidad para sa lahat, lalo na para sa mga naiiwan ng lipunan.
“All of us live in a country where your last name and where you were born matters. This is why the government is here as second parents to try to equalize opportunities,” wika niya.
Para kay Cayetano, tungkulin ng Senado na tiyakin na ang pampublikong pondo ay mapupunta sa mga tao at sektor na may pinakamatinding pangangailangan, mula sa edukasyon at kalusugan, hanggang sa paglikha ng trabaho.
Sa sesyon ng Senado noong Nobyembre 5, 2024, nagpasalamat si Senador Joel Villanueva, dating Kalihim ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA), kay Cayetano, na siyang namumuno sa Higher, Technical, and Vocational Education Committee, sa suporta nito sa pagpapalakas ng technical education at assessment ng kakayahan ng mga nagtapos sa senior high school (K-12).
“Sa TESDA po, tayo po ay nagsulong ng mga dagdag pondo sa iba’t iabng programa. Ilan po dito y’ung pagtitibay natin sa close to 500 million na assessment sa atin pong mga senior high school o K-12 graduates. Ito po ang naging resulta ng diskusyon natin sa EDCOM II (Second Congressional Commission on Education). Salamat kay Commissioner Alan Peter Cayetano na kasama natin sa EDCOM II,” wika niya.
Nauna nang nanawagan si Cayetano sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) nitong taon na tiyakin ang mahusay na alokasyon ng 2025 national budget, lalo na sa mga posibleng panganib ng online gambling, estratehiya sa foreign loan ng bansa, at pagpapaunlad sa tulong sa mga pabahay.
Aniya, ang maayos na alokasyon ay mahalaga para mapabuti ang kapakanan ng bawat Pilipino at masiguro ang mas maliwanag na kinabukasan para sa lahat.
“We owe it to every Filipino to invest in their welfare and secure a future that everyone can look forward to,” wika niya.