
KOMPYANSA ang Commission on Elections (Comelec) na walang anumang magiging aberya sa darating na halalan sa Mayo 9 ,2022.
Hayagang sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na kabilang sa kanilang pinaghahandaan ay ang mano-manong bilangan sa unang senyales sa pinangangambahang dayaan gamit ang automated vote counting machines.
Gayunpaman, kumbinsido ang nasabing opisyal na nananatili ang integridad ng mga vote counting machines, kasabay ng giit na walang naganap na data breach sa panig ng kanilang ahensya.
Wala rin aniyang dahilan ang publiko para mabahala sa gitna ng humugong na balita kaugnay ng data breach sa panig naman ng Smartmatic (itinalagang software provider) sa kanilang automated system, lalo pa’t nakalatag na rin ang kanilang plano sa sandaling may makita sila kahit maliit na iregularidad sa kanilang automated election system.
Hinihintay pa rin aniya nila ang resulta ng isinasagawang pagsisiyasat ng National Bureao of Investigation (NBI) na siyang itinalagang bumusisi sa mga alegasyon laban sa Smartmatic.
Sa mga isinagawang hearing ng Joint Congressional Oversight Committee (JCOC) on the Automated Election System (AES), ibinunyag ni Senator Imee Marcos na tumatayong chairperson ng komite, na nagkaroon ng security breach sa bahagi ng service provider.