HINILING ng Office of the Ombudsman (OMB) sa House Committee on Appropriation na alisin na lang ang kanilang confidential funds mula sa P5.824 bilyong budget ng para sa taong 2025.
Sinabi ni Ombudsman Samuel Martires sa budget briefing ng OMB na sana ay tanggalin na lang umano ng Kongreso ang confidential fund sa kanilang budget bilang tugon sa tanong ni ACT Teachers Party-list Rep. France Castro tungkol sa update sa P31 milyon at P51 milyon na confidential fund allocations ng OMB para sa Fiscal Years 2023 at 2024.
Aniya, “Mas mabuti pa na wala kaming confidential fund hanggang sa pagtatapos ng aking termino, kaysa magkaroon ng confidential fund na nagiging sanhi ng pag-aalinlangan ng mga tao. Kumakain ako sa restaurant, (tapos) sasabihin ng tao na iyong tubig … na iniinom ko ay galing sa confidential fund,” paliwanag niya.
Gayunpaman, humiling pa rin ang Ombudsman sa komite na isaalang-alang ang pagbigay ng karagdagang pondo para sa pagtatayo ng mas maraming satellite offices ng OMB, pagkuha ng mas maraming abogado, at suporta sa digitalization program nito, na inaprubahan ng panel.
“May pangangailangan na makakuha ng 60 pang abogado mula sa kasalukuyang mga abogado ng OMB,” sabi ni Martires, na binanggit na mas maraming non-lawyers kaysa lawyers sa mga yunit ng OMB na sangkot sa imbestigasyon.
Napansin ni Castro na ang 1,300 kaso ng OMB para sa fact-finding sa unang anim na buwan ng 2024 ay mas mababa ng 32% kumpara sa 2,038 noong nakaraang taon. Sa kabuuan, nakumpleto ng OMB ang imbestigasyon ng 389 reklamo para sa unang semestre, na 21% na mas mataas kaysa sa target sa simula ng taon.
“Upang mapabilis ang imbestigasyon ng mga reklamo, sinusubukan naming pagsamahin ang fact-finding office at preliminary investigation office. Kaya kapag ang reklamo ay nai-file, agad itong iaasign sa isang abogado na magsasagawa ng case evaluation, at ang abogado ang magpapasya kung ipagpapatuloy ang preliminary investigation o irerekomenda ang pagtanggal ng kaso o ang paggawa ng case build up,” sabi ni Martires.
Isiniwalat din niya na maraming criminal cases ang dinidismis ng mga korte dahil sa inordinate delay.
Handa naman mag-file ng panukala si Baguio Lone District Rep. Mark Go upang tugunan ang isyung ito.