INATASAN ng Department of Agriculture (DA) ang Bureau of Plant Industry (BPI) na siyasatin ang lahat ng mga bodega ng sibuyas upang matukoy kung ang mga suplay na bagong ani ay pinipigilan sa merkado.
Sinabi ni Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. nitong Lunes na inaasahang magsisimula ang pag-aani ng sibuyas ngayong buwan, na dapat sana ay nakapagbigay ng mga sariwang suplay para mabawasan ang mga presyo ngunit may pangamba rin na ang ani ay maaaring hindi umabot sa merkado gaya ng inaasahan.
“Noong nakaraang Biyernes, inatasan ko ang Bureau of Plant Industry at team nito na bisitahin ang lahat ng mga pasilidad ng onion cold storage sa buong bansa at inspeksyunin kung ang mga bagong ani na sibuyas ay iniingatan doon sa halip na ibenta,” paliwanag ng DA chief.
Ang pag-iimbak at pagmamanipula ng presyo ng sibuyas ay mga ilegal na gawain sa kalakalan at mapaparusahan ng batas.
Tinantya ng kalihim na makukumpleto ng BPI ang inspeksyon nito sa loob ng apat hanggang pitong araw.
Sa unang bahagi ng buwang ito, pinahintulutan ang pag-angkat ng 3,000 metriko tonelada ng pulang sibuyas at 1,000 metriko tonelada ng puting sibuyas upang matugunan ang inaasahang kakulangan bago ang panahon ng ani.
Sa kabila nito, nananatiling mataas ang presyo ng sibuyas, kung saan ang pinakahuling monitoring ng DA ay nagpapakita ng mga pulang sibuyas na nasa pagitan ng P140 at P240 kada kilo, habang ang mga puting sibuyas ay nasa P130 hanggang P150 kada kilo.
Isang buwan na ang nakalipas, ang quoted prevail price para sa pulang sibuyas ay nasa P140 kada kilo, mas mababa sa kasalukuyang P200 kada kilo.
Inaasahan ng BPI na ang maagang pag-aani ay magdaragdag ng ilang metrikong tonelada supply, na may inaasahang kabuuang humigit-kumulang 33,000 metriko tonelada sa Marso.
