UMABOT na sa 23 ang nasawi dahil sa pinagsamang epekto ng Tropical Cyclones Luis at Maymay at Habagat, habang halos 4.9 milyon katao ang naapektuhan sa iba’t ibang bahagi ng bansa, ayon sa pinakahuling datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Pinakamalaki ang bilang ng mga nasawi sa Benguet na may 15, kabilang ang 10 sa Baguio City, tatlo sa Atok, at dalawa sa La Trinidad. Karamihan sa mga biktima ay nasawi sa mga pagguho ng lupa.
Tatlo ang namatay sa Rizal, tatlo rin sa Batangas, habang tig-isa ang nasawi sa La Union at Quezon. Kabilang sa mga sanhi ng pagkamatay ang landslide, rockslide, pagkalunod, pagkakakuryente, at pagtama ng bumagsak na puno.
Samantala, 17 katao ang nasugatan at tatlo pa ang patuloy na nawawala. Labindalawa sa mga sugatan ay mula sa Benguet.
Sa kabuuan, 1,410,800 pamilya o 4,903,086 katao ang naapektuhan sa Regions I, II, III, V, VI, IX, CALABARZON, CAR, NCR at MIMAROPA.
May 407 evacuation centers na naitala, kung saan 9,101 pamilya o 31,456 katao ang kasalukuyang nananatili.
Umabot naman sa 1,845 bahay ang napinsala—1,667 ang partially damaged at 178 ang totally damaged.
Tinatayang ₱3.36 bilyon ang pinsala sa imprastraktura habang ₱689.66 milyon naman ang pinsala sa agrikultura.
Samantala, ₱654.59 milyon na halaga ng tulong ang naipamahagi ng pamahalaan at iba pang responders sa mga apektadong komunidad.
Patuloy ang monitoring, rescue, relief, at rehabilitation operations ng mga awtoridad sa mga lugar na tinamaan ng sama-samang epekto ng mga bagyo at Habagat.
