
BUONG-buo ang suporta ni House appropriations committee chairman Rep. Zaldy Co (Ako Bicol Party-list) sa development agenda na inilatag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA) noong Lunes.
“Muling pinatunayan ni Pangulong Marcos ang kanyang dedikasyon na iangat ang buhay ng bawat Pilipino,” ani Co. “Ang kanyang komprehensibong plano at inisyatiba ay patunay ng kanyang malinaw na vision para sa magandang kinabukasan ng ating bansa.
Bilang chairman ng House appropriations committee, titiyakin kong mailalaan ang kinakailangang pondo para sa mga prayoridad na inilatag ng Pangulo,” dagdag pa niya.
Binanggit ni Co ang mahalagang papel ng paglalaan ng budget sa tagumpay ng mga programa ng Pangulo. “Ang tagumpay ng bisyon ng Pangulo ay nakasalalay sa kakayahan nating maglaan ng pondo kung saan ito pinakakailangan. Naitakda na ng Pangulo ang mga malinaw na prayoridad na magpapaunlad sa ating bansa, at tungkulin kong tiyakin na matutugunan ang mga ito sa pamamagitan ng angkop na suporta sa pananalapi upang maging realidad,” aniya.
Sa kanyang pinakahuling SONA, binigyang-diin ni Pangulong Marcos ang mga pangunahing inisyatiba na naglalayong paunlarin ang buhay ng mga Pilipino. Pinagtibay ni Co ang kanyang suporta sa mga Legacy Projects ng administrasyon, partikular sa seguridad sa pagkain, pangangalagang pangkalusugan, pabahay, edukasyon, at pagpapa-unlad ng imprastruktura.
Kritikal na usapin para sa maraming Pilipino ang seguridad sa pagkain at pagpapababa ng presyo ng bilihin, ayon sa Pangulo. Ayon kay Co, lubhang mahalaga ang pagpapaunlad ng agrikultura at mga modernong pamamaraan ng pagsasaka para makamit ang kasapatan sa pagkain at mapababa ang presyo ng bigas at iba pang pangunahing bilihin. Sinabi niya na sa ilalim ng patnubay ni House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang kanyang komite ay maglalaan ng pondo para sa irigasyon at fertigation, contract farming, pamamahagi ng binhi, at mekanisasyon ng sakahan.
Patuloy na pangunahing prayoridad ni Pangulong Marcos ang pangangalagang pangkalusugan, at nangako si Co na bibigyan ng sapat na pondo ang mga specialty hospitals upang makapagbigay ng de-kalidad na pangangalaga sa lahat ng Pilipino. “Ayon sa atas ni Pangulong Marcos, patuloy nating itatayo ang mga Legacy Specialty Hospitals sa iba’t ibang rehiyon. Pinapabuti rin natin ang mga kasalukuyang pasilidad medikal upang matugunan ang pangangailangan sa kalusugan ng ating mga mamamayan,” dagdag niya.