SA kabila ng pakikipaglaban sa Cancer ni Dr.Willie Ong ay tatakbo ito para sa pagka-senador .
Inanunsyo ng doctor-vlogger ang kanyang plano noong Lunes.
Sa isang video na inupload sa kanyang Facebook page, sinabi ni Ong na ang kanyang asawa, si Dr. Anna Liza Ramoso, ay magsasampa ng kanyang certificate of candidacy sa Commission on Elections (Comelec) sa Oktubre 2.
Sinabi niya na tatakbo siya bilang isang independent candidate.
“Magpa-file po ako for senator. I’ll be filing for senator on October 2, Wednesday. Nagawa ko na ‘yung papeles, na-notarize ko na…Si Doc Liza…siya magpa-file ng sa akin pero ako ang tatakbo,” sabi niya.
Nakiusap si Ong sa kanyang mga tagasunod na suportahan ang kanyang kandidatura.
“Habol ko lang naman number 12. Isingit niyo na lang ako,” aniya.
“I’ll do it the cleanest way. Hindi tayo connected sa admin, Duterte, opposition…Ako lang mag-isa, no one else. If they help me, thank you. ‘Pag hindi, thank you. Wala akong utang, wala akong hinihigi…Walang kapalit,” dagdag niya.
Sinabi ni Ong na ang kanyang misyon ay iligtas ang bansa mula sa korapsiyon.
“Second mission ko, i-si-save ko ‘yung bansa sa corruption, sa evil, tsaka aayusin natin ‘yung healthcare. I have to do it. Something’s telling me,” aniya.
Noong nakaraang buwan, ibinunyag ni Ong na siya ay sumasailalim sa paggamot para sa isang sarcoma, isang tumor na 16 x 13 x 12 sentimetro na natagpuan sa kanyang tiyan, nakatago sa likod ng kanyang puso at harap ng kanyang gulugod.
Ang sarcoma ay isang uri ng cancer na umaapekto sa mga buto at malambot na mga tisyu.
Sa kabila ng kanyang mga hamon sa kalusugan, nananatiling nakatuon si Ong sa kanyang adbokasiya.