SINUSPINDI ng 90 araw ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya ng isang drayber nang pahintulutan nito ang isang bata na magmaneho ng umaandar na sasakyan.
Sa isang pahayag nitong Lunes, sinabi ng Department of Transportation (DOTr) na ang 90-araw na suspensiyon ay alinsunod sa panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyakin ang disiplina sa mga kalsada para sa kaligtasan ng lahat ng gumagamit ng kalsada.
Sa isang video na nag-viral sa social media noong Sabado, ipinakita ng bata na nasa kandungan ng isang lalaki ang “pagmamaneho” ng kotse sa isang lugar sa Butuan City na parehong walang suot na seatbelt.
Agad namang naglabas ng show-cause order ang LTO sa driver, na nag-utos sa kanya at sa rehistradong may-ari ng sasakyan, na humarap sa LTO Office sa Quezon City noong Miyerkules, Oktubre 15, 2025, upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat kasuhan ng administratibo dahil sa reckless driving.
Sinabi ng LTO na ang driver ay maaaring managot sa walang ingat na pagmamaneho, hindi pagsusuot o paggamit ng seatbelt, at pagpayag sa isang bata na maupo sa front seat ng umaandar na sasakyan.
