KSABAY ng pagdiriwang ng National Midwifery Week ngayong ikatlong linggo ng Oktubre, nanawagan si Senadora Imee R. Marcos na itaas ang antas ng pagkilala, sahod, at proteksyon para sa libu-libong komadrona sa bansa.
Sa ilalim ng isinusulong niyang “Philippine Midwifery Act,” layon ni Marcos na palakasin ang propesyon at tiyaking may sapat na benepisyo, pagsasanay, at respeto ang mga komadrona na patuloy na naglilingkod sa mga ina at sanggol lalo na sa mga liblib na barangay.
“Ang ating mga komadrona ang kadalasang inaasahan sa mga malalayong Rural Health Units (RHUs), na mag-isang nagbibigay ng serbisyo sa mga kalapit na komunidad, kahit ang kanilang tanging tungkulin lamang ay pagbutihin ang kalagayan ng mga ina at sanggol laban sa mga sakit,” ayon sa senador.
Sakop ng panukala ang pagbuo ng Board of Midwifery sa ilalim ng Professional Regulation Commission (PRC) upang masiguro ang wastong pagsasanay, lisensya, at karapatan ng mga komadrona. Palalawakin din ang kanilang mandato — mula sa pangangasiwa ng panganganak, maternal care, family planning, at pagbabakuna, hanggang sa newborn care.
Pahihintulutan din silang gumamit ng life-saving drugs upang maiwasan ang pagkamatay ng mga ina at sanggol, lalo na sa mga sitwasyong pang-emergency.
Kabilang din sa panukala ang mas mataas na sahod at malinaw na posisyon sa gobyerno. Isinusulong ni Marcos na dapat ay hindi bababa sa Salary Grade 11 sa pampublikong sektor, at hindi bababa naman sa minimum wage sa pribado ang sweldo ng mga komadrona.
“Buhay at kalusugan ng bawat Pilipino ang nakataya. Dapat lang itaas na ang sahod, benepisyo, at respeto sa mga komadronang matagal nang sandigan ng bawat barangay,” diin ng senador.
