OPISYAL nang tinapos ng House prosecution panel ang paglalahad ng ebidensya sa impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte, matapos magsalita ang huling saksi na si NBI Director Melvin Matibag .
“Nakikita ng prosekusyon na hindi na kailangang magsagawa ng redirect examination,” pahayag ni Batangas Rep. Jinky Bitrics Luistro, na senyales na kumpiyansa ang panig ng prosekusyon sa kanilang naiharap na ebidensya.
Sunod-sunod na nagtestigo ang mga opisyal ng NBI na sina Senior Agent John Mark Calilung, Regional Director Jeremy Lotoc, at ang huli, si Director Matibag na lahat ay may kinalaman sa umano’y banta ni Duterte kina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Martin Romualdez noong Nobyembre 2024.
Sa harap ng depensa na nagtangkang ibaling ang isyu bilang “wala sa konteksto,” hindi umatras si Matibag. Aniya, “Mahirap po para sa aming law enforcement na ‘yung ganyang mga statement ay aming pong babalewalain,”
Sinabi pa ni Matibag na dalawang beses na inimbitahan si Duterte para lumahok sa imbestigasyon subalit hindi ito sumipot.
Higit pa rito, isiniwalat din niya na may mga “persons of interest” na umano’y natukoy ang special task force ng NBI — mga taong maaaring may kaugnayan sa umano’y kontrata para patayin ang Pangulo habang patuloy pa rin ang imbestigasyon.
