ISANG engineer at ang kanyang survey aide ang nalunod sa Ilog Angat sa Baliwag City, Bulacan.
Ang mga biktima nakilalang sina engineer Roxan Limus, 38, mula sa San Miguel, Burgos, Pangasinan, at ang kanyang survey aide na si Dave Mangahas, 24, mula sa Balolong Malaki, San Ildefonso, Bulacan.
Ayon sa salaysay ng kanilang kasamahan na si Dennis Manuel, 52, isa ring engineer na residente ng Bgy. Talacsan, San Rafael, Bulacan, sila ay isang grupo mula sa CM Pancho Construction Company na nagsasagawa ng survey sa river channel ng Ilog Angat sa bahagi ng Bgy. Makinabang.
Sinabi ni Manuel na si Mangahas ay tumawid sa ilog nang biglang madulas at nahulog sa tubig. Sinubukan ni Limus na iligtas si Mangahas ngunit pareho na silang nalunod.
Hindi na nailigtas pa sila ng iba pang nilang kasama kaya naman humingi na lamang sila ng tulong sa Baliwag police.
Agad na nagsagawa ang mga miyembro ng Baliwag City Public Assistance Command Center (PACC) ng search and retrieval operation upang hanapin ang mga katawan ng dalawang biktima.